Arestado na ang nanay na umabandona sa kanyang bagong silang na sanggol sa CR ng isang gasolinahan sa Quezon City.
Ito’y matapos ang apat na araw na hot pursuit operation ng Quezon City Police District (QCPD).
Kung maaalala, nagsabi pa ang babae sa kasunod nitong mag C-CR na huwag munang gamitin ang palikuran dahil madumi, at narinig naman ito ng nakaistasyon na pulis malapit sa gasolinahan kaya’t tumawag ng crew.
Tumambad sa kanila ang bagong silang na sanggol na lalaki na may nakasalpak pang tisyu sa bibig ng baby.
Ayon kay QCPD District Director Redrico Maranan, malakas ang hawak na ebidensiya ng kapulisan dahil nasaksihan ng mga nakaistasyon na pulis ang krimen simula’t sapul.
Sa ngayon, planong sampahan ng QCPD ng kasong infanticide at child abuse ang suspek.
Samatala, bumubuti naman ang kalagayan ng bata at pinagalanan itong ‘Baby Malaya’ – dahil sa Barangay Malaya nangyari ang naturang insidente.
