Kulungan ang bagsak ng isang guro mula sa pribadong paaralan matapos ang entrapment operation ng mga otoridad sa Brgy. Soyung, Echague, Isabela dahil umano sa pananamantala sa dati niyang estudyante.
Kinilala ang suspek na si alyas “John”, 33- anyos habang ang kaniyang biktima ay isang 13-anyos na dalagita.
Sa nakuhang impornasyon ng 92.9 Brigada News FM Cauayan, nabisto ang pang-aabuso ng suspek nang mabasa ng nanay ng biktima ang mga text messages nito na magkikita sila sa isang hotel sa Echague, Isabela.
Mabilis namang nagtungo ang ina ng biktima sa Alicia PS at Municipal Social Welfare and Development Office upang humingi ng tulong.
Kaugnay nito, agarang rumesponde ang Alicia Police Station katuwang ang Echague PS na nagresulta sa pagkakaaresto ng guro.
Ayon naman sa hepe ng Echague PS na si PMaj. Rogelio Natividad, bago pa man ang insidente ay mayroon nang mga naunang namagitan sa guro at dalagita kaya’t iginiit ng suspek na mayroon silang relasyon ng menor de edad na biktima.
Sa kasalukuyan, sinampahan na ng kasong paglabag sa Section 5 ng Republic Act 7610 o child abuse ang nasabing guro.